“Anim na buwan na kaming magkasintahan at limang taon na kaming magkaibigan. Nang gusto niyang makipag-break, ni hindi niya kayang humarap sa akin. Basta hindi na lang niya ako kinausap. Wala akong magawa. Lumung-lumo ako. Lagi kong tinatanong ang sarili ko, ‘Ano ang nagawa kong mali?’”—Rachel.
DAHIL sa break-up ninyo, baka hindi mo na makuhang ngumiti at palagi ka na lang umiiyak. Tingnan natin ang pinagdaanan nina Jeff at Susan, na dalawang taóng naging magkasintahan. Sa loob ng panahong iyon, nahulog nang husto ang loob nila sa isa’t isa. Sa maghapon, madalas pinadadalhan ni Jeff si Susan ng mga romantikong mensahe sa pamamagitan ng pagte-text. Paminsan-minsan, nireregaluhan din siya ni Jeff para ipadamang naaalaala niya siya. “Laging nandiyan si Jeff para makinig sa akin, at nauunawaan niya ako,” ang sabi ni Susan. “Ang sarap ng pakiramdam.”
Di-nagtagal, sina Jeff at Susan ay nag-uusap na tungkol sa kasalan at kung saan sila titira kapag mag-asawa na sila. Tinanong na nga ni Jeff kung ano ang sukat ng singsing ni Susan. Pagkatapos, bigla na lang nakipag-break si Jeff! Gumuho ang mundo ni Susan. Nakukuha pa rin niyang gawin ang trabaho niya sa maghapon, pero dahil sa trauma ay parang wala siyang pakiramdam. “Pagod na pagod ang isip at katawan ko,” ang sabi niya.
Kung Bakit Masakit Iyon
Kung pareho kayo ng naranasan ni Susan, baka maitanong mo, ‘Makakayanan ko kaya ito?’ (Awit 38:6) Normal lang na malungkot ka. Ang break-up ay baka isa sa pinakamasaklap na naranasan mo. Sabi nga ng ilan, para ka na ring namatayan. Baka madama mo ito at ang iba pang karaniwang mga yugto ng pagdadalamhati, kabilang na ang:
Pagkakaila. ‘Hindi totoo iyon. Magbabago rin ang isip niya pagkalipas ng isa o dalawang araw.’
Galit. ‘Paano niya nagawa ito sa akin? Ayaw ko na siyang makita pa!’
Depresyon. ‘Hindi talaga ako kaibig-ibig. Wala nang magmamahal sa akin.’
Pagtanggap. ‘Okey lang ako. Masakit, pero kaya ko ito.’
Ang maganda nito, darating ka sa yugto na matatanggap mo ang nangyari. Kung gaano kahabang panahon ang kailangan ay depende na sa ilang bagay, kabilang na kung gaano katagal kayong naging magkasintahan at kung gaano na kayo kalapít sa isa’t isa. Samantala, paano mo makakayanan ang kasawian sa pag-ibig?
Magpatuloy Ka Lang
Baka narinig mo na ang kasabihang, Naghihilom ang sugat sa paglipas ng panahon. Noong kabe-break pa lang ninyo, baka walang epekto sa iyo ang kasabihang ito. Iyan ay dahil hindi lang paglipas ng panahon ang solusyon. Bilang paglalarawan: Ang sugat ay naghihilom sa paglipas ng panahon, pero sa ngayon ay makirot ito. Kailangan mong gumawa ng paraan para tumigil ang pagdurugo at maibsan ang kirot. Kailangan mo rin itong ingatan para hindi maimpeksiyon o lumala. Ganiyan din pagdating sa sugat sa damdamin. Masakit ito sa ngayon. Pero may magagawa ka para hindi ito lumala at mauwi sa paghihinanakit. Makatutulong ang paglipas ng panahon, pero ano ang puwede mo mismong gawin? Subukan mo ang sumusunod.
▪ Ilabas mo ang iyong kalungkutan. Hindi masamang umiyak. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtangis” at maging ng “panahon ng paghagulhol.” (Eclesiastes 3:1, 4) Ang pag-iyak ay hindi tanda ng kahinaan. Nang dumanas ng matinding kalungkutan, maging si David—isang magiting na mandirigma—ay nagsabi: “Sa buong magdamag, ang higaan ko’y tigmak ng luha.”—Awit 6:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
▪ Ingatan mo ang iyong kalusugan. Ang ehersisyo at tamang pagkain ay makatutulong sa iyo na mabawi ang iyong nawalang lakas dahil sa depresyong dulot ng break-up ninyo. “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang,” ang sabi ng Bibliya.—1 Timoteo 4:8.
Anu-ano ang kailangan mong bigyang-pansin sa iyong kalusugan?
…………………………
▪ Maging abala. Patuloy mong gawin ang mga bagay na kinahihiligan mo. At ngayon, lalung-lalo na, huwag mong ibubukod ang iyong sarili. (Kawikaan 18:1) Kung sasama ka sa mga taong nagmamalasakit sa iyo, matutulungan ka nilang maging positibo.
Anu-anong tunguhin ang puwede mong itakda para maging abala ka?
…………………………
▪ Ipanalangin sa Diyos ang nadarama mo. Maaaring isang hamon ito sa iyo. Pagkatapos ng break-up, nadarama ng ilan na pinabayaan sila ng Diyos. Sinasabi nila, ‘Ipinanalangin ko naman sa Diyos na sana makakita ako ng magmamahal sa akin, pero ano’ng nangyari ngayon!’ (Awit 10:1) Gayunman, tama kaya na ituring ang Diyos na isang tagahanap ng kapareha sa buhay? Siyempre hindi; ni wala rin siyang pananagutan kung gustong makipag-break ng iyong kasintahan. Ito ang alam natin tungkol kay Jehova: “Siya ay nagmamalasakit sa [iyo].” (1 Pedro 5:7) Kaya kapag nananalangin, sabihin mo ang lahat ng iyong nadarama. Sinasabi ng Bibliya: “Ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
Anu-anong espesipikong mga bagay ang puwede mong ipanalangin kay Jehova habang sinisikap mong harapin ang kirot na dulot ng inyong break-up?
…………………………
Harapin ang Bukas
Pagkatapos maghilom ang iyong sugat, baka makatulong kung pag-aaralan mo kung ano ang nangyari sa iyong nakaraang pakikipagkasintahan. Kung handa ka nang gawin iyan, baka makatulong sa iyo na isulat ang iyong sagot sa sumusunod na mga tanong.
▪ Sinabi ba niya sa iyo ang dahilan kung bakit siya nakipag-break? Kung oo, isulat ang dahilan sa ibaba, totoo man ito sa tingin mo o hindi.
…………………………
▪ Sa tingin mo, ano ang iba pang posibleng mga dahilan?
…………………………
▪ Kung babalikan ang nakaraan, mayroon ka bang naiisip na sana’y ginawa mo para hindi gayon ang nangyari? Kung mayroon, ano?
…………………………
▪ May natutuhan ka ba sa karanasang ito na makatutulong sa iyo na sumulong sa espirituwal o emosyonal na pagkamaygulang?
…………………………
▪ Kung mayroon man, ano ang hindi mo na gagawin sa susunod mong pakikipagkasintahan?
…………………………
Totoo, hindi nangyari ang inaasahan mong mangyari sa iyong pakikipagkasintahan. Pero tandaan: Kapag bumabagyo, ang madilim na ulap at bumubuhos na ulan ang una mong nakikita. Pero hindi magtatagal, titigil din ang ulan at aaliwalas ang kalangitan. Dumating ang panahon na nakayanan ng mga kabataang binanggit sa artikulong ito ang nangyari sa kanila. Kaya mo rin iyon!
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento